Sino ba naman ang magaakala na ang kape ang magiging dahilan ng pagkapagod ko?
Sa hindi maintindihang kadahilanan, iba o maari ko rin namang sabihing masama ang epekto ng kape sa aking katawan. Sa kagustuhan kong manatiling gising habang nasa trabaho, kinailangan kong uminom ng kape. At ang malala pa nyan ay ang sandamukal na kapeng nainom ko sa araw lamang na ito ang sanhi ng lubusan kong pagkatagtag mula sa pagkakahimbing sa aking upuan. Pagkakahimbing sa upuan?! OO. Ako'y mataimting nakaupo lamang ngunit ang pakiramdam ko'y parang sumali ako sa karera ng kabayo.
Totoo nga na ang anumang sobra ay masama. Kaya babala sa mga mahilig magkape, hinay-hinay lang. Ang pagnanais na manatiling gising ay hindi nangangahulugang kailangan mong uminom ng apat na tasang kape o mahigit pa. Higit na mabuti ang pagtulog nang maaga. Nang sa gayon ay hindi nangangalumata kinabukasan.
Thursday, August 19, 2010
Wednesday, August 18, 2010
Ang Pagpapakita
Tuesday, August 17, 2010
Ang Liwanag na Nababalot ng Kadiliman
Anong saya na muling mapagmasdan ang pagsikat ng araw. Nakalipas na ang panahon ng kadiliman at muling sumilip ang pag-asa sa masugid na tagapagbantay. Ang pananalig nga naman ay sadyang kailangan. Gaano man kahirap ang pinagdaraanan, asahang darating din sa tamang panahon ang tanging pinakamimithi. Abot-tanaw man ang inaasam, lagi pa ring may pagaaalinlangan. Takot. Takot na magkamali. Ngunit makakamit lamang ang pagkatuto sa isang pagkakamali. Papasaan nga ba't lahat ng pagod at sakripisyo ay magbubunga ng isang makabuluhang kayamanang walang sinuman ang maaaring mangangkin.
Saturday, August 14, 2010
Ang Pagbabalik
Tama ngang ibalik ko ang eksistensya ni JuanangTamad. Ilang araw din syang nawala sa ilang mga larawan. Ilang araw din akong nawalan ng inspirasyon. Tila ang salitang tamad ang syang nakapagpasipag sa aking kumuha ng larawan araw-araw. Kaya naman nais kong ibahagi ang natatanging kapangyarihan ni JuanangTamad. Tanging sa kanyang mga kamay lamang namamalas ang ganda ng buhay. Ang anumang pangit ay maaaring gawing maganda. Ang lahat ng nakikita ng mata ay maaaring kasinungalingan lang para sa kanya. Imulat ang mga mata at lente ng kamera.
Ang tunay na "Bokeh Effect".
"Quarter Life Crisis" ang turing ng karamihan sa prosesong pinagdaraanan ko ngayon. Totoo na ito ang isa sa mga pinakamahirap na estado na maaring dumating sa buhay ng bawat isa. Para sa akin, isang malabo, walang katiyakang proseso ang bagay na ito. Isang daang walang magnanais tahakin ngunit tila walang kawala ang sinuman. Hindi rin naman ito maituturing na kulungan kung saan mayroon kang nakikita, naririnig, pero di mo mahawakan. Nakaharang ang malamig na bakal na kapag nagpilit ay sadyang nakamamatay. Sa madaling salita, isa lamang itong bahagi ng buhay kung saan nakararamdam ng pagkabahala ang isang indibidwal. Tila walang katiyakan ang nakaabang sa kanila. Isang bagay lamang ang tiyak, ito ay pansamantala lamang. Isang natural na paraan upang mapagtibay ang iyong kalooban, paniniwala sa sarili at kakayahan. Sabi nga ng isang kaibigan, "Ayos lang yan."
Sana nga.
Wednesday, August 4, 2010
Sa Iyong Haplos, Ako'y Payapa
Walang tigil na ulan at patuloy na pagtaas ng tubig sa mga lalawigan at maging sa lungsod man ang laman ng pahayagan.
Mga gabing walang katiyakan, lamig na nanunuot sa aking kalamnan ang tangan-tangan. Hinahanap-hanap ang init na hatid ni haring araw ngunit mukhang maging sya ay pilit tinatago ang sarili sapagkat di maatim ang kalamigan kaya naman kami'y balot ngayon ng kadiliman.
Ika'y nariyan lang sa aking tabi.
Walang sawang pinararamdam ang init ng pagmamahal na sanhi ng liwanag sa sulok na kailanma'y di ko ninais manirahan.
Ang guhit, ugat, at amoy ng iyong palad sapat na upang pakiramda'y guminhawa at mahimbing na mahimlay sa iyong kanlungan.
Monday, August 2, 2010
Tagaytay: Isang Pagbisita. Isang Pagdiriwang
Ngayon ay buwan ng Agosto kaya naman nararapat na isulong ko ang paggamit sa wikang Filipino. Kaya naman, aking napagdesisyunan na gamitin ang wikang Filipino sa lahat aking ilalathala sa buong buwan na ito. Ang anumang kalituhan na idudulot ng aking mga sulatin ay nais kong ihingi ng paumanhin. Ako muna ay magpapahinga sa paggamit ng Ingles.
Bukod sa magagandang tanawin na matatagpuan sa Pilipinas, isa ang wikang Filipino sa pinakamagagandang wika sa mundo na talaga namang aking ipinagmamalaki. Nakalulungkot mang isipin ngunit marami sa aking mga kababayan ang tila pilit tinatalikuran ito upang makasabay sa globalisasyon habang ang iba naman ay nakiuuso lamang. Dahil na rin sa ako'y nagtapos ng kursong Batsilyer ng Artes sa Filipinolohiya, aking responsibilidad ang imulat ang mata ng aking mga kababayan sa yaman ng aming wika na dapat lamang gamitin at pangalagaan. Nakababahala kasi ang posibilidad na limutin ng mga Pilipino ang wikang ito sapagkat ang wika ang syang nagbibigay ng pagkakakilanlan sa isang lahi o lipunan. Kaya naman ang pagsusulong ang adhikaing ito ang isa sa aking mga misyon. Nawa'y gabayan ako ng Maykapal upang ito'y aking maisakatuparan, kasama na rin ng mga katulad kong malaki ang pagmamahal sa bayan at sa wika.
Subscribe to:
Posts (Atom)